Lusot na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 7036 o ang Security of Tenure Act na layong palakasin ang karapatan ng mga empleyado at manggagawa sa pribadong sektor.
Pinagtibay sa viva voce voting ang panukala na nagbabawal sa kontraktwalisasyon sa private sector at nag-aamyenda sa Presidential Decree No. 442 o Labor Code of the Philippines.
Sa ilalim ng panukala ay ikinukunsidera lamang ang “labor-only” contracting kung ang contractor ay walang sapat na puhunan o investment para sa tools, equipment, machineries, at work premises; walang kontrol sa paraan ng mga manggagawa na tuparin o tapusin ang trabaho; at kung ang mga manggagawa na na-recruit at naitalaga para sa trabaho ay direktang may kaugnayan sa pangunahing negosyo ng employer.
Mahigpit na ipinagbabawal ang fixed-term employment liban sa mga kaso ng mga OFWs, mga workers na nasa ilalim ng probation at mga relievers na gumaganap na pansamantalang kapalit ng isang regular na empleyado.
Inoobliga rin sa panukala na mabigyan ng pantay na benepisyo ang mga relievers, project at seasonal employees katulad sa mga regular employees.
Pinabibigyan din ng lisensya ang mga job contractors at papatawan naman ng parusa ang mga wala nito.
Matatandaang nauna nang na-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon ang anti-endo bill sa katwirang malawak ang scope at definition ng pagbabawal sa labor-only contracting gayong may mga uri umano ng kontraktwalisasyon na hindi naman unfavorable o salungat para sa mga empleyado at manggagawa.