Anti-Epal bill, muling binuhay sa Senado

Manila, Philippines – Muling inihain ni Senator Manny Pacquiao ang panukalang batas na nagbabawal sa pagbabandera ng mukha ng mga politiko o opisyal ng gobyerno sa mga government projects gaya ng tulay, kalsada, palengke, poste, basketball court at mga waiting shed.

Layunin ng senate bill number 1535 na inihain ni Pacquiao na mahadlangan ang maagang pangangampanya ng mga pulitiko gamit ang mga infrastructure project ng pamahalaan.

Iginiit sa panukala ni Pacquiao na mali na umepal o umangkin ng kredito ang mga elected at appointed na opisyal sa mga government projects na hindi naman sila ang gumastos kundi ang taumbayan sa pamamagitan ng buwis.


Inaatasan ng panukala ang Department of Public Works and Highways at Metro Manila Development Authority o MMDA na baklasin ang mga karatula o signage ng mga epalitiko.

Ang lalabag ay pagmumultahin ng hanggang isang milyong piso at maaring pagbawalan nang humawak ng pwesto sa gobyerno.

Tanging binibigyan ng panukala na pahintulot na mukha at pangalan ng naging opisyal ng gobyerno ay ang aprubado ng National Historical Commission.

Magugunitang ang nabanggit na panukala ay inihain din noon ng yumaong si Senator Miriam Defensor Santiago pero hindi ito naging prayoridad ng mga mambabatas.

Facebook Comments