Anti-epal provision sa pambansang pondo, pag-aaralan na gawing ganap na batas

Pag-aaralan ng liderato ng Senado na gawin nang ganap na batas ang Anti-Epal special provision na nakapaloob sa National Budget.

Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA) ay naglagay ang Kongreso ng nasabing probisyon upang matigil na ang paggamit sa mga programa at proyekto sa political patronage.

Nang matanong si Senate President Tito Sotto kung makabubuting magkaroon na ng sariling batas ang anti-epal special provision, sinang-ayunan ito ng senador.

Kung may ganap na batas aniya ay mas magiging matibay ang probisyon at mawawala na ang bintang ng pamumulitika.

Mababatid na naunang inakusahan ni Senator Imee Marcos na tadtad ng giniling na pork ang pambansang pondo ngayong taon na siya namang pinasinungalingan ni Sotto na unfair at walang basehan.

Tinitiyak ni Sotto na sa ilalim ng 2026 National Budget ay hinarang at inalis nila ang anumang butas na maaaring magamit sa katiwalian ang pondo at sa execution o implementasyon na lamang magkakatalo na siyang babantayan naman ng oversight committee ng Senado.

Facebook Comments