
Tiniyak ng Malacañang na hindi maaapektuhan ang freedom of speech o malayang pagpapahayag ng mga Pilipino ng panukalang batas laban sa fake news at digital disinformation na isinulong bilang prayoridad ng administrasyon.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mambabatas na tiyaking balanse ang magiging nilalaman ng panukalang batas upang hindi masagasaan ang karapatan ng publiko na malayang magpahayag ng saloobin.
Layon din ng panukala na magtakda ng malinaw at makatwirang depinisyon ng fake news at disinformation, at hindi ito gagamitin laban sa mga kritikal o may pananaw na taliwas sa administrasyon.
Binigyang-diin ng Malacañang na hindi papayagan ng Pangulo na makompromiso ang anumang kalayaan ng mga Pilipino, lalo na ang karapatan sa malayang pagpapahayag.










