Anti-government rally bukas – tatapatan ng PDP Laban

Manila, Philippines – Bilang pakikiisa sa idineklarang payapang National Day of Protest bukas ni Pangulong Rodrigo Duterte, inanyayahan ng PDP ang mga “peace loving” na mga mamamayan na makiisa sa kanilang isasagawang pagtitipon sa Plaza Miranda.

Sinabi ni Energy Secretary Al Cusi ng PDP na hangad nilang makasalamuha sa pagtitipon bukas ang mga mamamayan na naghahangad at nagsusulong ng tunay na pagbabago ng lipunan.

Ayon kay Cusi, inaasahan nilang magsasama-sama ang lahat ng naniniwala sa isinusulong na pagbabago, laban sa illegal drugs, kriminalidad, korapsyon at ang isinusulong na pederalismo.


Inihayag ni Cusi na kung hangad ng sambayanan ang tunay na pagbabago ay dapat magkaisa sa iisang tunay na layunin tulad ng anti-illegal drugs, anti-corruption at anti-criminality program ng administrasyon.

Binigyang diin ni Cusi na walang ituturing na mga VIP’s sa pagtitipon dahil dito ipapakita ang pantay-pantay na karapatan at paghahangad na mapabuti ang sambayanan.

Hindi naman masiguro ni Cusi kung dadalo si Pangulong Duterte pero ang mahalaga aniya ang maging mabunga ang araw ng paghahayag lalo pa at maging sila sa administrasyon tulad ng isang ordinaryong mamamayan ay mayroon ding mga hinaing tulad ng mababang suweldo sa mga manggagawa at opisyal ng gobyerno.

Nilinaw din ni Cusi na ang pagtitipon bukas na magsisimula ng ala-1 ng hapon hanggang gabi ay hindi para tapatan ang mga anti-government rally dahil talaga namang inilaan ang naturang petsa para sa paghahayag o day of expression.

Facebook Comments