Anti habal-habal operation, ikinasa ng MMDA sa Pasay City

Tila nakatunog ang grupo ng habal-habal driver sa ikinasang operasyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Pasay City.

Partikular na isinagawa ang anti habal-habal operation sa Buendia kanto ng Taft Avenue hanggang makarating ng Roxas Boulevard at sa Baclaran area kaninang alas-6 hanggang alas-8 ng umaga.

Pinangunahan mismo ni MMDA Assistant Secretary Celine Pialago at Rey Arada, South Sector Head ng MMDA Traffic Enforcement Division.


Pero, apat na habal-habal driver lang ang nasakote ng MMDA habang ang isa sa nahuli ay sinasabing parte ng delivery company pero giit ng mga traffic constable na pumipila ito sa terminal kung saan ang mga ruta nito ay mula Makati hanggang makarating ng MOA.

Hindi naman i-impound ang sasakyan ng dalawang habal-habal driver dahil walang impounding area para sa motorsiklo ang MMDA.

Inisyuhan lamang sila ng violation ticket ang ilan sa mga ito kung saan aabot ang multa sa P2,000 kapag napatunayang habal-habal at P6,000.00 naman kapag colorum ang sasakyan.

Babala naman ng MMDA na hindi sila titigil at patuloy silang magsasagawa ng operasyon upang tuluyan nang matigil ang operasyon ng habal-habal sa Metro Manila at kanilang iisa-isahin ang mga terminal na nasa kanilang listahan.

Facebook Comments