Manila, Philippines – Makatutulong ng malaki sa Philippine National Police (PNP) ang nilagdaang Republic Act 11053 o Anti-Hazing Act of 2018 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Chief Police Director Oscar Albayalde, ang bagong batas ay tutulong sa PNP para sa mabilis na pagresolba ng kaso ng hazing.
Sa bagong batas ipagbabawal na ang anumang uri ng hazing sa mga fraternities, sororities at iba pang organisasyon.
Sa kabila na pinapayagan ang initiation, dapat na humingi ng permiso sa kinauukulang awtoridad ng paaralan pitong araw bago ito gawin.
Kung sakaling mauwi sa pagkamatay, rape, sodomy, mutilation o pagkaputol ng alinmang bahagi ng katawan ng biktima ng hazing, papatawan ng parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong at multang tatlong milyong piso ang mapapatunayang direktang sangkot sa krimen.
Mananagot rin ang paaralan, unibersidad, kolehiyo, faculty members, mga opisyal ng barangay, opisyal ng munisipyo o lungsod na mapapatunayang kasabwat.
Bagaman at itinaas na ang parusa sa hazing inihayag naman ni Albayalde na bumaba ang kaso ng hazing sa bansa, posible aniyang namulat na ang indibidwal o grupo na nagpapatupad ng initiation rites na may pananakit.