Manila, Philippines – Ipinagpasalamat ng mga senador ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Anti-Hazing Act of 2018.
Umaasa si Senator Panfilo Ping Lacson na hindi na mauulit ang sinapit ni UST freshman law student Atio Castillo III na nasawi makaraang isailalim sa hazing ng Aegis Juris Fraternity noong September 2017.
Itinuturing naman ni Senador Juan Miguel Zubiri ang batas bilang bahagi ng hustisya para kay Atio Castillo at leksyon na kailanman ang karahasan ay hindi magiging patunay ng katapatan, tapang at tibay ng samahan.
Tiwala naman si Senador Joel Villanueva na babaguhin ng batas ang nakagawian na hazing o karahasan sa loob ng kapatiran o iba pang-uri ng samahan.
Diin naman ni Senador Bam Aquino, ang pagpasa ng pinatibay na Anti-Hazing Law ay isang importanteng hakbang patungo sa pagtatapos ng kultura ng karahasan sa ating bansa.
Giit ni Aquino, dapat papanagutin ang mga nananakit at pumapatay sa kapwa Pilipino at sana aniya ay wala na sa ating mga anak ang papanaw dahil sa hazing.
Bunsod nito ay pinapakilos naman ni Senadora Nancy Binay ang mga eskwelahan at Local Government Units (LGUs) para tiyaking wala ng anumang uri ng pag-abuso na nakapaloob sa Anti-Hazing Law ang magaganap sa loob ng mga organisasyon.