Manila, Philippines – Isinusulong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na mailipat na ang ilang bahagi ng P1.414 Bilyon na anti-illegal drugs campaign budget sa pabahay ng Philippine National Police.
Ginawa ni Drilon ang hakbang sa isinagawang budget interpellation para sa P170.99 Bilyon budget ng Department of Interior and Local Government para sa susunod na taon kung saan nakapaloob dito ang PNP budget na aabot sa P131.5 Bilyon.
Paliwanag ni Drilon matapos na tanggalin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng PNP sa war on drugs at ipaubaya na lamang ito sa Philippine Drug Enforcement Agency ( PDEA) dapat lamang na ilipat ang budget ng PNP para sa war on drugs sa PNP housing.
Umaabot sa P900 million ang pondo para Masa-Masid program, P500 million sa Anti-Illegal Drugs at 14 million sa Information System.
Paliwanag ni Drilon may 10,300 housing backlog ang pabahay para sa PNP kung saan 450 units lamang ang nakalaan para sa pagpapatayo sa 2018.