Hindi maaabuso ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC ang bilyun-bilyong pisong pondong inilaan ng gobyerno sa pagpapaunlad sa mga komunidad na nalinis na mula sa impluwensiya ng New People’s Army.
Tugon ito ni Committee on National Defense Chairman Panfilo Lacson sa mga mambabatas na nagnanais na tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC.
Diin ni Lacson, ang mga lokal na pamahalaan ang mangangasiwa sa paggastos sa anti-insurgency fund para sa mga proyektong pangkaunlaran.
Paliwanag pa ni Lacson, kahit ang security sector ng pamahalaan ay hindi rin puwedeng pakialaman ang nabanggit na pondo dahil ito ay bahagi ng Special Purpose Fund sa ilalim ng Assistance to Local Government Units na para lang talaga sa pagpapaunlad ng mga barangay na nalinis na mula sa NPA.
Sa ngayon ay halos P9.7 bilyon na mula sa kabuuang P16.4 bilyon ang nailalabas na pondo para sa pagpapaunlad ng mga barangay na nalinis na sa dating pamamayagpag at impluwensiya ng NPA.
Samantala, binanggit naman ni Lacson na patuloy pa rin niyang hinihintay ang tugon ng Department of National Defense kung aalisin si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC batay sa nilalaman ng 1987 Constitution.