Anti-political dynasty bill, inihain sa kamara

Umaasa na ngayong 18th Congress ay maipapasa na sa pagkakataong ito ang anti-political dynasty bill matapos muling ihain sa Kamara.

Nai-refer na sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang House Bill 1978 ni Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado.

Sa ilalim ng panukala, hindi papayagan na kumandidato sa ano mang elective position sa gobyerno sa iisang lugar at kasabay na halalan ang asawa o sino mang kamag-anak hanggang 2nd degree of consanguinity o affinity, lehitimo man o hindi, kadugo o half blood ng kasalukuyang nakaupong opisyal na tumatakbo para sa re-eleksyon.


Kung national position naman ang target ng incumbent official, diskuwalipikado ang pamilya at kamag-anak nito sa pagkandidato sa probinsiya o lugar kung saan naka-rehistro ang opisyal.

Automatic disqualification ang agad na ipapataw sa kandidato sa oras na mapatunayang sangkot sa political dynasty.

Oobligahin din ang mga kandidato na maghain muna ng sinumpaang salaysay sa Commission on Elections kung siya ay mayroon o walang political dynasty relationship sa kumakandidato ring incumbent official.

Sakali namang may paglabag ang isang kandidato, ang mga botante, political party o organisasyon ay maaaring maghain ng petition for disqualification laban dito.

Facebook Comments