Thursday, February 12, 2026

Anti-Political Dynasty Bill, tiyak na maipapasa ng Kamara

Kumpyansa si House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na maipapasa ng Kamara ang panukalang Anti-Political Dynasty Bill.

Ayon kay Adiong, malaking punto na isa sa mga bersyon ng panukala ay inakda nina House Speaker Ferdinand Martin “Bojie” Dy at Majority Leader Sandro Marcos. Bukod pa rito, kabilang ito sa priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Diin ni Adiong, malinaw sa Saligang Batas na dapat magkaroon ng batas laban sa political dynasty, at tungkulin ng Kongreso na bigyan ito ng kahulugan.

Sa idinaos na public consultation ngayong araw sa Carmona, Cavite, sinabi ni Adiong na ang soberanya ay nagmumula sa taumbayan, kaya nararapat lamang na marinig ang kanilang tinig bago isapinal ang panukala.

Mayroong 24 panukalang anti-political dynasty bill na nakahain sa 20th Congress sa Kamara.

Naging matagumpay ngayong araw ang public consultation ng komite sa Luzon at masusundan ito ng mga konsultasyon sa Cebu para sa Visasyas at Cagayan de Oro naman sa Mindanao sa mga susunod na linggo.

Facebook Comments