Manila, Philippines – Maituturing umanong anti-poor ang polisiya ng gobyerno na mag-angkat ng galunggong at bigas.
Ayon kay Anakpawis Representative Ariel Casilao, hindi katanggap-tanggap ang ganitong hakbang ng gobyerno para sa isang bansa na itinuturing na agricultural at rice producing country.
Sinabi din ng kongresista na tiyak na tatamaan ng polisiyang ito ang mga mahihirap na mangingisda at magsasaka sa bansa.
Patunay lamang din na hindi na natuto ang Duterte Administration sa naging diskarte ng mga nakalipas na administrasyon matapos na sumapi ang bansa sa World Trade Organization kung saan mga ibang bansa lamang ang pinapayaman.
Malinaw din na anti-poor blueprint ito ng administrasyon.
Giit ni Casilao kung hindi magbabago ang direksyon ni Pangulong Duterte ay lalo lamang nitong gagatungan ang gutom at hirap ng mga Pilipino.