Nilinaw ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na wala siyang sinabi na nawala na ang kahirapan sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Gadon na ang kanyang pahayag hinggil sa umano’y “imaginary poverty” ay partikular sa mga Pilipino na nagrereklamong mahirap pero hindi nakikita ang unti-unting pag-unlad ng ekonomiya.
“It’s a mindset eh. Hindi nila naa-appreciate kung ano ‘yung talagang tunay nilang dapat gawin. Sabi nila, ang mahal ng bigas! Singkwenta pesos ang isang kilo ang mahal mahal naman! Pero, ‘yung mga nagsasabi niyan, ‘yun ‘yung may mga kapasidad bumili.”
“Nagrereklamo sila sa singkwenta pesos na kada kilo ng bigas na kakainin ng pamilya nila sa tatlong araw pero, makikita mo balewala sa kanila na bumili ng dalawandaang piso na kape sa Starbucks.”
Bukod dito, naniniwala rin si Gadon na umuunlad na ang ekonomiya ng bansa dahil sa pagtaas ng employment rate at Gross Domestic Product o GDP.
Samantala, deadma naman si Gadon sa mga grupo na nagsusulong na sibakin na siya sa pwesto dahil kumpyansa siya na hindi ito gagawin ni Pangulong Bongbong Marcos.
“Hindi ako nababahala diyan. I’m here to help the President. Dati na akong maraming pera before I joined the government.”