Agad na naaprubahan sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang House Bill 7884 na magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para labanan ang red-tape.
Matapos aprubahan ng binuong Committee of the Whole ang panukala, agad itong isinalang sa viva voce voting at pinagtibay sa second reading.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng otoridad ang Pangulo na paikliin ang oras o araw ng pagproseso o kaya’y suspendihin muna ang requirements para sa national at local permits, licenses at certifications upang mapabilis ang pag-isyu sa mga ito tuwing may national emergency tulad na lamang ng COVID-19 pandemic.
Sakop ng panukala ang lahat ng ahensya sa ehekutibo, kabilang na ang departments, bureaus, offices, commissions, boards, councils, government instrumentalities at Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs).
Mayroon namang probisyon ang panukala na nagtitiyak na hindi makompromiso ang pagproseso sa mga dokumento na may kinalaman sa pangangalaga sa kalikasan tulad na lamang ng safeguard sa protected areas, buffer zones at environmentally critical areas.
Una nang nangako ang liderato ng Kamara na ipapasa rin nila sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala ngayong araw bago matapos ang special session na ipinatawag ni Pangulong Duterte.