ANTI-SMOKING AT ANTI-ILLEGAL DRUGS ADVOCACY SA MGA PDL, IKINASA SA DAGUPAN CITY

Bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya para sa kalusugan at kapakanan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL), regular na nagsasagawa ng Anti-Smoking at Anti-Illegal Drug Awareness Program ang Dagupan City Jail – Female Dormitory.

Ang programang ito ay nakatuon sa pagbibigay ng sapat at wastong kaalaman hinggil sa masamang epekto ng paninigarilyo at paggamit ng ipinagbabawal na gamot—hindi lamang sa pisikal na kalusugan kundi pati na rin sa mental, emosyonal, at panlipunang aspeto ng buhay. Sa pamamagitan ng mga talakayan at information drives, hinihikayat ang mga PDL na pagnilayan ang kanilang mga desisyon at unawain ang pangmatagalang epekto ng bisyo sa kanilang sarili at pamilya.

Layunin din ng programa na ihanda ang mga PDL sa kanilang muling pagharap sa lipunan. Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kamalayan at tamang pagpapahalaga sa kalusugan, umaasa ang pamunuan ng pasilidad na ang mga kalahok ay magiging mas handa na umiwas sa bisyo at mamuhay nang responsable sa oras ng kanilang pagbabalik sa komunidad.

Pinatutunayan ng inisyatibong ito ang paniniwala na ang kulungan ay hindi lamang lugar ng parusa, kundi isang institusyon ng pagbabago, pagkatuto, at pag-asa. Sa sama-samang pagsisikap, ang kaalaman ay nagiging sandata upang makamit ang mas maliwanag at mas maayos na kinabukasan para sa bawat PDL.

Facebook Comments