Pinag-aaralan pa sa ngayon ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Bill.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, bagama’t nasa Malakanyang na ang Anti-Terrorism Bill, ay masusi pa itong pinag-aaralan ng Executive Secretary kung kaya’t wala pa ito sa mismong lamesa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Roque na bagama’t ito ay pinag-aaralan pa ng Palasyo, ay pumapabor si Pangulong Duterte sa paglagda sa kontrobersyal na panukala.
Nangangamba ngayon ang ilang sektor, partikular na ang mga aktibista at oposisyon dahil baka magamit ang batas laban sa mga kritiko ng administrasyon para magpatahimik.
Matatandaang sinertipikahang urgent ng Pangulo ang Anti-Terrorism Bill na layuning masawata ang ugat ng terorismo sa ating bansa.
Samantala, umaabot naman sa 784 local chief executives ang sumusuporta sa Anti-Terrorism Bill.
Sa nasabing bilang, 43 ang gobernador, 68 ang city mayors at 673 ang municipal mayors.