Manila, Philippines – Aminado si National Defense and Security Vice Chairman Ruffy Biazon na hindi kakayaning ilusot ngayong 17th Congress ang panukalang magpapalakas ng batas laban sa terorismo.
Inamin ni Biazon na natagalan sa technical working group (TWG) ang panukala dahil sa mga highly contentious issues sa probisyon.
Sa katunayan, sa depinisyon pa lang anya ng “terrorism” ay naging mainit na ang debate.
Ipinaliwanag ng kongresista na mas tinutukan nila ang probisyon ng panukala na patungkol sa preventive measures na wala sa kasalukuyang batas.
Sertipikasyon lamang ni Pangulong Duterte ang tanging pag-asa para maisabatas ang anti-terror bills.
Inihahanda pa lamang din ng TWG na pinamumunuan ni Biazon ang draft ng substitute bill na isusumite sa mother committee para mapa-aprubahan.