Umapela si Albay Rep. Edcel Lagman na tuluyang ipapawalang-bisa na ang buong Anti-Terrorism Act (ATC).
Kasunod na rin ito ng desisyon ng Korte Suprema na ideklarang “unconstitutional” ang dalawa sa probisyon ng Republic Act 11479.
Welcome naman para kay Lagman, isa sa mga petitioner laban sa Anti-Terrorism Act, ang naging deklarasyon ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang bahagi ng Section 4 na nagpapaliwanag sa kung ano ang kahulugan ng terorismo; at ang Section 25, paragraph 2, na nagbibigay kapangyarihan sa Anti-Terrorism Council na tukuyin kung sino ang ituturing na terorista base sa impormasyon o hiling ng ibang bansa.
Magkagayunman, bigo naman ang nasabing deklarasyon na pagtibayin at maprotektahan ang “due process,” sa karapatang-pantao at ang mahalagang kalayaan na binabalewala sa naturang kontrobersyal na batas.
Puna pa ni Lagman, malinaw na tahasang paglabag sa Konstitusyon ang nakasaad sa Section 29 o pagbibigay-otoridad sa ATC na ipakulong ang sinumang terror suspect sa loob ng 24-araw nang walang judicial warrant of arrest.
Sa ilalim pa ng Saligang Batas, sa mga panahong sinuspinde ang pribilehiyo ng “writ of habeas corpus”, ang isang taong nahuli ay kailangang palayain matapos ang tatlong araw na pagkakakulong kung walang mga kasong isinampa laban sa kaniya sa korte.
Labag din aniya sa “Bill of Rights” kapag ang isang suspek ay nakakulong sa labas ng hurisdiksyon ng korte, pinilit na umamin o isinailalim sa torture.