Anti-Terrorism Bill, ganap nang batas

Opisyal nang ganap na batas ang Anti-Terrorism Bill.

Ito ay matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020 sa kabila ng pagtutol ng ilang grupo, maging ng United Nations Human Rights Body at ng Bangasamoro Transition Authority.

Nagawang mapirmahan ng Pangulo ito bago awtomatikong maging batas sa Hulyo 9, 2020, na siyang papalit sa Human Security Act of 2007.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, masusing pinag-aralan ng Pangulo ang batas kasama ang kanyang legal team.

Ang paglagda sa batas ay nagpapakita ng seryosong paninindigan ng pamahalaan para mapuksa ang terorismo, na matagal nang pinoproblema ng bansa at nagdulot ng matinding takot at paghihinagpis sa maraming kababayan.

Iginiit din ni Roque na ang paglaban sa terorismo ay nangangailangan ng komprehensibong hakbang para mapigilan ito.

Binanggit din ni Roque ang Estados Unidos at United Kingdom na mayroong “draconian” o matinding batas laban sa terorismo.

Sa ilalim ng batas, ang terorismo ay isang aktibidad na layong magdulot pananakit, o kamatayan sa tao, at pinsala sa mga ari-ariang pagmamay-ari ng pamahalaan, publiko o pribadong sektor.

Sakop din nito ang paggawa, pag-angkin, pagbiyahe, pagsu-supply at paggamit ng armas o pampasabog.

Nakapaloob sa batas na makukulong ng habambuhay na pagkakakulong at walang parole ang mapapatunayang nagplano, naghanda, at nagkasa ng terorismo.

Ganito rin ang ipapataw na parusa sa sinumang mapapatunayang kasabwat at naghikayat na gumagawa ng terorismo.

Ang mga nagbanta at nagpanukala na gagawa ng terorismo ay makukulong ng hanggang 12 taon, maging ang mga nagboluntaryo na sumali sa anumang organisasyon, asosasyon o grupo na itinuturing na terrorist organization.

Inaalis na rin sa bagong batas ang pagbabayad ng pinsala sa mga napagkamalan o napagbintangan na terorista.

Minamandato ang Regional Trial Courts bilang Anti-Terror Courts.

Ang mga pulis at sundalo ay maaaring magsagawa ng 60-araw na pagmamanman o paniniktik sa mga hinihinalang terorista, at maaari itong pahabain ng 30-araw kapag inaprubahan ng Court of Appeals.

Ang mga law enforcement o military personnel na napatunayang nilabag ang karapatang pantao ay makukulong ng hanggang 10 taon.

Facebook Comments