Manila, Philippines – Sa pagbusisi ng Senado sa anti-terrorism bill ay lumutang ang kahalagahan na mapahaba ang panahon ng pagkulong sa mga pinaghihinalaang terorista mula sa kasalukuyang 72-oras lamang o tatlong araw.
Ayon kay Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Panfilo “Ping” Lacson at mga security officials na dumalo sa pagdinig, mainam na gawin itong 30-araw.
Ito ay upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga otoridad na magsagawa ng surveillance, follow-up operations at maghanda ng kasong isasampa.
Mungkahi naman ni Senate President Tito Sotto III, payagan ng batas na mapahaba pa higit sa 30-araw ang surveillance sa mga pinaghihinalaang terorista.
Inihirit din sa pagdinig na hindi na dapat pagmultahin ng P500,000 ang law enforcement agencies kapag napawalang sala ang kanilang inaresto na pinaghihinalaang terorista.
Katwiran ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, hindi sapat ang sweldo ng mga law enforcers para sa nabanggit na multa.
Giit naman ni Senator Sotto, hindi na ito kailangan dahil maari namang magsampa ng kaso sa gobyerno ang mga napaghinalaang terorista.
Dahil sa nabanggit na multa ay natatakot anila ang mga law enforcers na magsampa ng kasong terorismo kaya mababang krimen na lang ang kanilang inihahain.