Iginiit ni House Speaker Alan Peter Cayetano na panlaban sa terorismo at hindi sa aktibismo ang inaprubahan ng Kongreso na Anti-Terrorism Bill na nakatakda namang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hinihikayat ni Cayetano ang publiko na unawain ang paliwanag ni Leyte Representative Lucy Torres-Gomez tungkol dito kung saan sinabi niyang kailangan na talagang repasuhin ang Human Security Act of 2007 dahil sa kawalan nito ng pangil.
Makalipas kasi ng 13 taon mula nang maisabatas ito ay isa lang ang nahatulan sa Human Security Act kaugnay ng Marawi siege.
Dagdag pa ni Cayetano, matagal nang isyu ang terorismo na nilalaban ng lahat ng bansa hindi lang ng Pilipinas.
Nagbabala pa ang lider ng Kamara na habang naghahanap ang gobyerno ng panlaban sa terorismo, ay naghahanap rin ng paraan ang mga terorista para maiwasan ito.