Nag-level up na umano ang mga “fronts” o kaalyado ng New People’s Army (NPA) na siraan ang Anti-Terrorism Bill dahil marami na sa mga miyembro nito ang nagbabalik-loob sa pamahalaan o kaya ay sumusuko sa mga awtoridad.
Sa impormasyong nakalap ni Senador Panfilo Lacson, ang pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa Anti-Terrorism Bill ay ginagawa umano ng mga grupo at indibidwal na kaalyado o nakikisimpatiya sa NPA.
Sa ngayon ay may nakabinbing petisyon sa isang Regional Trial Court sa Maynila na ideklarang terrorist organization ang NPA.
Nakalista naman sa State Department of America ang NPA bilang Foreign Terrorist Group mula pa noong August 9, 2002 habang ang Abu Sayyaf Group simula noong Oktubre 8, 1997.
Bunsod nito ay nananawagan si Lacson sa publiko na maglaan ng oras na basahing mabuti ang probisyon o Section 45 ng naturang panukala na ginagamit ng mga nagpapakalat ng maling impormasyon.
Paliwanag ni Lacson, hindi totoo ang pinapakalat na maaring mang-aresto ang Anti-Terrorism Council ng mga pinaghihinalaang terorista dahil wala naman itong magiging Judicial o Quasi-Judicial Authority sa ilalim ng panukala.