Anti-Terrorism Bill, walang target na grupo o indibidwal ayon sa AFP

Walang partikular na target na indibidwal o grupo ang Anti-Terrorism Bill.

Ito ang iginigiit ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Felimon Santos Jr. sa harap ng mga negatibong reaksyon patungkol sa isinusulong na batas.

Paliwanag ni Santos, mai-a-apply lamang ang batas na ito sa mga lalabag dito partikular kung ang aksyon ng isang indibidwal o grupo ay pasok sa depinisyon ng terorismo.


Una nang sinabi ni Philippine Army Commanding General Lieutenant General Gilbert Gapay na ang panukalang batas ay pangontra sa mga local terrorist groups, partikular ang mga ISIS-inspired groups at mga extremists.

Pero pasok din aniya ang New People’s Army (NPA) sa mga itinuturing na terorista dahil sa ginagawa nilang pagpatay ng mga inosenteng sibilyan, pananambang sa tropa ng gobyerno at pambobomba gamit ang mga Improvised Explosive Device (IED).

Sinabi ni Gapay na malaki ang maitutulong ng Anti-Terrorism Bill para maputol ang financial at logistic support ng NPA.

Ngunit, ang mga pumapanig sa ideyolohiya ng NPA pero hindi nagbibigay ng material na suporta at naghahayag lang ng kanilang pakikisimpatya sa mapayapang paraan ay walang dapat katakutan sa batas dahil tinitiyak nila na maipapatupad pa rin ang civil rights.

Facebook Comments