Hinimok ni Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang pamahalaan na paigtingin pa ang anti-terrorism campaign sa bansa.
Kasunod ito ng pagsalakay kagabi ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Datu Piang, Maguindanao kung saan agad namang nakaresponde dito ang mga militar.
Ayon kay Hataman, malinaw na panalo sa panig ng gobyerno ang nangyari kagabi dahil agad nakontrol ang sitwasyon pero hindi lamang dapat doon matapos ang hakbang ng pamahalaan.
Umapela ang kongresista sa gobyerno at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na pag-ibayuhin pa ang pagkalap ng mahalagang impormasyon at intelligence gathering upang mapigilan ang mga posibleng plano ng mga teroristang grupo sa hinaharap.
Hinikayat din ni Hataman ang pamahalaan na isama sa laban kontra sa terorismo ang rehabilitation at reformation sa mga militante na nagnanais na sumuko sa gobyerno at mamuhay ng payapa.
Kaugnay rito ay pinamamadali na rin ng kongresista ang panukala na inihain noong nakaraang taon kasama si Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan na House Bill 4585 na layong bumuo ng mga programa para mapigilan ang paglaganap ng violent extremism sa bansa.
Kasabay pa nito ay pinuri ni Hataman ang mga militar at pulis sa maagap na pag-aksyon para ma-contain ang sitwasyon kagabi bago pa ito lumala.