Magpupulong ngayong araw ang Anti-Terrorism Council (ATC) para sa pinal na deliberasyon para sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Terrorism Law.
Una nang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na mas mainam na hintayin ng mga awtoridad na mailabas ang IRR bago ipatupad ang batas na naging epektibo na mula nitong Hulyo.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang IRR ay nakatakdang tapusin ngayong araw.
Ang ATC ay pinamumunuan ng Executive Secretary kasama ang National Security Adviser bilang vice chairperson, kasama ang mga kalihim ng foreign affairs, national defense, interior and local government, finance, justice at information and communications technology, kasama ang executive director ng Anti-Money Laundering Council.
Sa ilalim ng batas, minamandato ang ATC at DOJ na bumuo ng IRR sa loob ng 90 araw mula nang maging epektibo ito.
Nabatid na nasa 37 petisyon ang nakahain ngayon sa Korte Suprema na kumukwestyon sa legalidad ng batas.