Lubos ang pasasalamat nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senators Panfilo “Ping” Lacson at Francis Tolentino sa tuluyang pagsasabatas sa Anti-Terrorism Law matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pagtiyak ni SP Sotto, may safeguards ang Anti-Terror Law para hindi maabuso at hindi magamit laban sa mga inosenteng mamamayan na walang kaugnayan sa mga terorista.
Ayon kay Sotto, dahil sa Anti-Terror Law, katulad ng ibang bansa, may kakayahan na rin ngayon ang Pilipinas na labanan ang terorismo para maging ligtas ang taumbayan.
Hinangaan naman ni Senator Lacson ang political will ni Pangulong Duterte na hindi nagpadala sa matinding pressure ng mga kontra sa Anti-Terrorism law.
Pangako ni Lacson, kasama siyang magbabantay para hindi magamit sa pag-abuso ang bagong batas laban sa mga terorista.
Giit naman ni Senator Tolentino, napapanahon ang pagpapatupad sa Anti-Terrorism Law at kailangan ito ng ating bansa dahil mahalaga ang matatag na peace and order climate sa pagsulong ng ekonomiya.