Binigyang-diin ni Senator Panfilo Ping Lacson na ang kapapasang Anti-Terrorism Law ay hindi nagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo at sa Anti-Terrorism Council (ATC) na ideklarang terorista ang anumang grupo, organisasyon at asosasyon.
Paliwanag ni Lacson, kailangan itong dumaan sa judicial process kung saan tanging ang Court of Appeals lamang ang pwedeng mag-utos para sa proscription o deklarasyon sa isang grupo bilang terrorist group.
Mangyayari aniya ito at ibabase sa notice at mga pagdinig kung saan responsibilidad ng Department of Justice (DOJ) ang paghahanap ng ebidensya.
Ayon kay Lacson, ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) ay personal na opinyon lang nito at hindi opisyal na deklarasyon.
Sinabi ni Lacson, sa ngayon ay nakabinbin pa sa Manila Regional Trial Court (RTC) ang paglilitis sa proscription case laban sa CPP-NPA pero dahil sa Anti-Terrorism Law ay malilipat na ito sa Court of Appeals.
Kasabay nito, nilinaw ni Lacson na hindi hahantong sa pag-aresto at pagkulong kapag may inirefer ang Pangulo sa Anti-Terrorism Council na inidibidwal o grupo o kaya ay organisasyon para madesignate bilang terorista.
Sinabi ni Lacson, hudyat lang ito ng ATC para hilingin sa Anti-Money Laundering Council ang pag-isyu ng freeze order sa kanilang bank accounts at assets.
Binanggit pa ni Lacson na ang designation ay umaayon din sa patakaran ng United Nations Security Council Resolution 1373 at ito ay puwedeng i-apela sa Court of Appeals.