ANTI-TERRORISM PROGRAM | 4 na bagong patrol boats galing China, nai-turn-over na sa Philippine Navy

Manila, Philippines – Na-i-turn over na sa Philippine Navy ang bagong apat na mga patrol boats mula sa China isang taon matapos mapirmahan ng Department of National Defense (DND) ng Pilipinas at Ministry of National Defense ng China ang isang kasunduan para sa libreng military assistance.

Sabi ni DND Spokesman Director Arsenio Andolong, ang mga naturang patrol boat ay ang huling bahagi ng 700 million pesos na tulong ng China para palakasin ang anti-terrorism program ng bansa.

Kasabay na dumating ng mga patrol boat ang dalawang daang rocket propelled grenade at mahigit dalawang libong bala nito.


Bahagi ng nasabing donasyon ang mga nauna nang ibinigay na assault at sniper rifle at milyun-milyong bala ng mga ito noong kasagsagan ng giyera sa Marawi City.

At kahit na karamihan sa mga gamit pang-digma ng Pilipinas ay mula sa Amerika hindi naman umano magiging problema ang pagpasok ng military hardware mula sa China.

Nilinaw pa ng DND na internal defense lang naman ang pangunahing paggagamitan sa mga bagong armas mula sa China.

Kaugnay nito, sabi ni Philippine Navy Spokesman Commander Jonathan Zata sinimulan na nila ang pagsasanay sa paggamit ng mga bagong patrol boat.

Sa ngayon aniya, mahigit dalawampung personnel na mula sa Philippine Navy ang nagsasanay para patakbuhin ang mga patrol boat.

Facebook Comments