Inimbestigahan na ng Senate Committee on Foreign Relations ang ulat na anti-vaccine propaganda ng US military laban sa Sinovac ng China sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ng komite na pinangunahan ni Committee Chairperson Senator Imee Marcos, inamin ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na may mga na-mo-monitor sila noon na mga posts sa social media na pagkabahala ng mga mamamayan tungkol sa kalidad ng COVID-19 vaccine, facemask, PPEs at mga kagamitan na mula sa China.
Pero sinabi ni Vergeire na tinutugunan nila ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng townhall meetings at assembly para mabigyan ng tamang impormasyon ang taumbayan.
Sinabi pa ng DOH Undersecretary na 88 hanggang 91 percent na ang kumpyansa ng publiko sa mga bakuna.
Humarap naman si Dr. Daniel Lucey, American public health expert, at sinabing hindi maipagtatanggol ang ginawang disinformation program ng US military tungkol sa Sinovac na aniya’y napatunayan namang ligtas at epektibo laban sa COVID-19 at isa ito sa mga bakunang inaprubahan ng World Health Organization (WHO).
Kapwa, aminado ang DOH at si Dr. Lucey na kahit bago pa man ang COVID-19 pandemic ay problema na noon pa ang vaccine hesitancy hindi lang sa Pilipinas at Estados Unidos kundi pati na rin sa ilang mga bansa.
Wala namang taga Pentagon ang humarap sa pagdinig at binasa lang ang pahayag ng Pentagon sa report ng Reuters kung saan isinisisi nito na nauna ang China sa pagpapakalat ng misinformation campaign para sisihin ang Estados Unidos sa paglaganap ng COVID-19.