Anti-vote buying teams, bubuuin ng PNP; 5 indibidwal na nagpakalat ng “fake news” hinggil sa 2022 elections, kakasuhan ng COMELEC

Bubuo ang Philippine National Police (PNP) ng grupong tututok sa mga vote-buying incidents.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, naglabas na sila ng isang memorandum sa mga Local Government Unit (LGU) na nag-aatas na magkakaroon ng ‘anti-vote buying teams.’

Aniya, ang grupong ito ang tatanggap ng mga tawag at reklamo mula sa publiko kung sila ay nakatanggap o nakakita ng insidente ng pagbili ng boto.


Noong mga nakaraang halalan kasi aniya ang lahat ng vote-buying complaints ay idinederekta na sa Commission on Election (COMELEC) at hindi tiyak kung naaksyunan ang mga ito.

Nauna nang bumuo ang COMELEC ng Task Force Kontra Bigay, na tutugon sa vote-buying.

Samantala, sinabi ni COMELEC Commissioner George Garcia na maghahain sila ng kaso laban sa limang indibidwal na nagpakalat ng “fake news” sa social media tungkol sa 2022 elections.

Sumangguni na aniya siya sa National Bureau of Investigation (NBI) noong nakaraang linggo hinggil sa limang pangyayari kung saan ang kredibilidad at integridad ng electoral process ay siniraan.

Nilinaw naman ni Garcia na laban lamang sa mga maling impormasyon ang kanilang tinututulan at hindi ang kritisismo sa kanila.

Facebook Comments