Naglabas ng sarili nitong matrix ang kilusang Mayo Uno bilang patikim sa isasagawa nilang kilos protesta sa labor day.
Makikita sa “anti-worker” matrix ang mga taong nagpapahirap umano sa mga manggagawa kabilang si Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang mga anak na sina Mayor Sara at Pulong.
Kabilang din sa matrix sina Presidential Spokesperson Salvador Panelo, Senatorial Candidate Bong Go at Labor Secretary Silvestre Bello III kasama ng ilang mga negosyante, maging sina US President Donald Trump at Chinese President Xi Jinping.
Ayon kay Lito Estarez, Vice Chairman ng KMU, lalong lumala ang kalagayan ng paggawa sa ilalim ng Administrasyong Duterte dahil sa kawalan ng aksyon laban sa kontraktwalisasyon at mababang pasahod.
Samantala, nakiusap naman ang NCRPO sa mga magsasagawa ng kilos-protesta sa May 1 na huwag maging dahilan ng pagbigat ng daloy ng trapiko.
Ayon kay NCRPO Director Guillermo Eleazar, karapatan ng lahat na ipahayag ang kanilang saloobin sa mga labor issue pero walang dahilan para pagmulan ito ng gulo.
Tiniyak din naman ng opisyal ang pagpapatupad ng maximum tolerance sa mga raliyista.
Kabilang sa mga lugar na daraanan ng mga rally ay ang Liwasang Bonifacio, Plaza Miranda, Aurora Blvd. at Welcome Rotonda.