Manila, Philippines – Bilang paggunita sa ikalawang World Antibiotic Awareness Week, naglunsad ang Department of Health kasama ang iba pang ahensya at stakeholders ng mga bagong guidelines sa pag-inom ng antibiotics.
Ayon kay Health Secretary Francisco T. Duque III layunin ng National Antibiotic Guidelines na ma-optimize ang antimicrobial use at mas mapangalagaan ang mga pasyenteng gumagamit ng naturang gamot.
Kasama sa mga guidelines ang treatment recommendations para sa mga nakakahawang sakit kung saan tinukoy ang mga ito per organ system at iprenesinta sa tabular format para mas madaling maunawaan.
Ang napiling tema dito para ngayong taon ay “Seek Advice from a Qualified Healthcare Professional Before Taking Antibiotics,” na target na mas mapalawak pa ang pag-unawa ng mga tao pagdating sa anti-microbial resistance.
Ang guidelines na inilabas ng DOH ay mula sa National Antibiotic Guidelines Committee, isang multi-disciplinary body na pinamumunuan ni Dr. Mediadora Saniel at binubuo ng mga eksperto sa larangan ng epidemiology, pharmacology at public health program management.
Una nang sinabi ni Secretary Duque sa katatapos lang na 31st ASEAN Summit, nagkasundo ang lahat ng leaders ng ASEAN na i-adopt ang Declaration on Antimicrobial Resistance Combating AMR through One Health Approach na sya namang pinangunahan ng Pilipinas.