Antidepressant na ininom ni ex-DPWH Usec. Cabral, may suicidal effect — PNP-Forensic Group

Kinumpirma ng Philippine National Police–Forensic Group (PNP-FG) na ang antidepressant drug na ininom ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Catalina Cabral ay may posibleng suicidal effect.

Sa pulong balitaan na ginanap sa Camp Crame, sinabi ni PNP-FG Officer-in-Charge Police Colonel Pierre Paul Carpio na ang gamot na Citalopram, isang uri ng antidepressant, ay maaaring magdulot ng suicidal ideation sa ilang pasyente.

Matatandaang nagpositibo si Cabral sa nasabing gamot, na narekober sa hotel room na huli niyang pinuntahan bago ang insidente.

Ayon pa sa PNP-FG, nakumpleto na ang lahat ng forensic examinations na isinagawa kay Cabral, kabilang ang autopsy, 3D scan of the scene, fingerprint examination, toxicology examination, at histopathological examination.

Samantala, tapos na rin ang DNA examination, subalit hinihintay pa ang reference samples mula sa mga kamag-anak ng nasawing dating opisyal upang makumpleto ang paghahambing.

Facebook Comments