ANTING-ANTING NA BALA, BAWAL SA CAUAYAN AIRPORT

Mahigpit na ipinababatid ng Cauayan City Aviation Police sa mga pasahero na iwasan ang pagdadala ng mga bala ng baril sa kanilang mga bagahe bilang isang anting-anting.

Ayon kay Police Cap. Julio Maribbay ng Cauayan Airport Police Station, kahit pa umano balutin sa tela ang bala ay madedetect parin ito ng scanner.

Bilang resulta ay maaari aniyang maantala ang pagbiyahe at maaari pang maharap ang sinumang mahuhuli sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013.

Kaugnay nito, mas pag-iigtingin rin ng PNP ang kanilang pagbabantay dahil inaasahan na sa mga susunod na mga araw ay daragsa na ang mga biyahero.

Pinaalalahanan rin ni Maribbay ang mga mananakay na maging maingat sa kanilang mga bagahe.

Pinapayuhan rin ang lahat na iwasan ang pagdadala ng mga bagay na ipinagbabawal sa loob ng terminal na maaaring maging sanhi ng pagkaantala ng operasyon ng paliparan.

Facebook Comments