Malugod na tinanggap ni Manila Mayor Isko Moreno ang mainit na suporta ni Antique Governor Rhodora Cadiao sa kanyang presidential bid para sa nalalapit na halalan sa susunod na taon.
“Maraming salamat sa suporta, Gov. Rhodora! Kasama ang Western Visayas sa ating laban para sa isang gobyerno na para sa tao,” anya ni Moreno.
Si Moreno, na may dugong Antiqueño, ay inendorso ni Cadiao sa kanyang mga kasapi para sa 2022 Presidential elections, “We are so proud of you and I hope you will be the next president of Western Visayas,” sabi ni Cadiao.
[Sobrang proud kami sa iyo at sana ikaw na ang susunod na presidente ng Western Visayas]
Ibinahagi ni Moreno na bago siya manirahan sa Tondo, Manila, ang kanyang ama na si Joaquin Domagoso ay mula sa bayan ng Hamtic Jose sa Antique.
“Ito ang unang beses na nakapunta ako sa lugar kung saan nanggaling ang tatay ko. Sa Antique siya natutong mangarap. Sa Tondo niya ito pinagsikapan,” sabi niya.
Kung mahahalal, ito ang unang pagkakataon sa mahigit 70 taon na na may uupong pangulo galing sa Kanlurang Visayas.
Ang huli ay si dating pangulong Manuel Roxas mula sa Panay, na natapos ang termino noong 1948.
“Let me remind you, the last time na may kandidatong taga-Panay na nanalo is late 1940s pa,” Sinabi ni Moreno sa isang panayam.
Nangako si Moreno na sa ilalim ng kanyang administrasyon, uunahin niya ang mga proyektong pang-imprastraktura sa Visayas at Mindanao.
Habang plano ng Aksyon Demokratiko standard-bearer na ipagpatuloy ang proyekto ng Build, Build, Build program ng kasalukuyang administrasyon, plano rin niyang isagawa ito bilang isang programang nakatuon para sa mga tao.
Plano ni Moreno na magtayo ng mas maraming paaralan, ospital, bahay, negosyo, at trabaho sa ilalim ng kanyang kampanyang “Tao Muna”.