Antonio Sanchez, posibleng disqualified sa GCTA – BuCor

Iginiit ng Bureau of Corrections (BuCor) na maaaring hindi kwalipikado ang murder-rape convict na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na makalaya sa pagkakakulong nito.

Ayon kay BuCor Director General Nicanor Faeldon – posibleng diskwalipikado si Sanchez mula sa Good Conduct and Time Allowance (GCTA) rule base sa ilang grounds.

Kabilang na rito ang 1.5 million peso na halaga ng ilegal na droga na nadiskubre sa kanyang selda noong 2010.


Napuna rin ang komportableng selda ni Sanchez noong 2015 kung saan nasabat ang flat-screen TV at air conditioning unit pa.

Una nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na posibleng makalaya si Sanchez dahil sa 2013 law na nagdadagdag ng Good Conduct Time Allowance at mayroong kautusan sa Korte Suprema na gawing retroactive ang pagpapatupad ng batas.

Sinentensyahan ang dating alkalde noong 1995 ng pitong bilang ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong dahil sa pagpatay sa mga estudyante ng UP Los Baños na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.

Sa kabuoan, ang 7 counts ay katumbas ng 280 taong pagkakakulong.

Facebook Comments