Ipinagbabawal ng Philippine National Police (PNP) ang anumang uri ng pagtitipon kahit ngayon ay Araw ng Paggawa.
Ito ang sinabi ni PNP Spokesperson Brigadier Gen. Bernard Banac dahil pa rin sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sinabi ni Banac, nirerespeto ng pamunuan ng PNP ang karapatan ng mga manggagawa na magsagawa ng kilos-protesta pero hindi sa panahong ito na nasa health crisis ang bansa dahil sa COVID-19.
Aniya, hindi maaring igiit ng mga Labor groups ang ‘right to peaceful assembly’ dahil mahirap masunod ang physical distancing sa anumang uri ng pagtitipon na labag sa ECQ.
Mas importante pa rin aniya ang kalusugan ng lahat dahil patuloy ang pagdami ng mga biktima ng COVID-19.
Kaugnay nito nagpaabot naman ng pagbati ang pamunuan ng PNP sa lahat ng mga manggagawa sa bansa.
Para sa PNP mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga manggagawa para tuluy-tuloy ang supply ng mga pangunahing pangangailangan ng publiko kasabay ng ipinatutupad na ECQ.