Nababahala si Senator Chiz Escudero na posibleng lumala pa ang sitwasyon at tensyon sa pagitan ng kampo ni Pangulong Bongbong Marcos at ng mga Duterte.
Ito ay matapos na ianunsyo ng Department of Justice (DOJ) na naghahanda ito para sa mga legal na hakbang na gagawin sakaling arestuhin ng International Criminal Court si dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang iba pang opisyal na sangkot sa madugong “war on drugs”.
Ayon kay Escudero, hindi niya maunawaan ang ginawa ng DOJ na pagpapatawag pa ng presscon para ianunsyo ang isang bagay na maituturing na normal o isang karaniwang proseso lang.
Ginagawa naman aniya ang pagbibigay ng complete staff work sa pangulo hindi lamang sa isyung ito kundi sa ibang usapin na kailangang desisyunan ng presidente.
Nangangamba si Escudero na dahil mataas pa rin ang tensyon sa pagitan ng dalawang kampo, mas lalo lamang makasasakit at hindi mapapahupa ang iringan ng mga Marcos at Duterte dahil sa ginawang ito ng DOJ.