Aparri, Cagayan mayor, itinuro sa pagdinig ng Senado na pumaslang kay Vice Mayor Rommel Alameda

Direktang itinuro ng Cagayan Regional Police Office si Aparri, Cagayan Mayor Bryan Dale Chan na pangunahing suspek sa pagpaslang kay Vice Mayor Rommel Alameda noong February 19.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, tinukoy ni Regional Intelligence and Investigation Division Police Colonel Arbel Mercullo si Chan na prime suspect sa krimen kasama ang iba pang suspek na pawang mga bodyguard ng nasabing alkalde.

Pinakita rin sa pagdinig ang video na pinagbababaril ang sasakyan ng Vice Mayor.


Pinatunayan din sa pagdinig ng maybahay ng pinaslang na vice mayor na si Ginang Elizabeth Alameda na bago mapatay ang kanyang asawa ay nagsalita ang alkalde na kung papatawan siya ng suspension ng provincial board at ng Office of the Ombudsman ay hindi siya papayag na si Vice Mayor Alameda ang papalit sa kanya.

Nagisa rin sa pagdinig si Chan dahil sa sangkatutak na bodyguard nito na ang ilan ay may bitbit pang long firearm na pawang mga sibilyan pa.

Sinita nina Senators Ronald “Bato” dela Rosa at Raffy Tulfo ang Philippine National Police (PNP) dahil bakit pinapayagan na magdala ng mga mahahabang armas ang mga sibilyan at bakit hanggang sa munisipyo ay hinahayaan ang mga ito.

Humiling naman ang Nueva Vizcaya PNP ng executive session sa mga senador para ibulgar ang lahat ng detalye sa pagkamatay ni Alameda.

Facebook Comments