Apat, arestado dahil sa pagtatambak ng basura sa Tondo, Maynila

Arestado sa magkakahiwalay na lugar ang apat na lalaki dahil sa pagtatapon ng basura sa Maynila.

Unang nasakote sina Roland Miano at Aljon Versoza habang ibinababa ang kargang basura mula sa Isuzu truck na may plate number na NCJ-1378.

Tinatayang 100 kilo ng basang karton ang tinangkang iwanan ng dalawa sa Mel Lopez Blvd. kanto ng Capulong St, sa Brgy. 105.

Sunod na nahuli sina Mark Jay Mingo at Juan Cea III matapos maaktuhang nagbababa ng bulto-bultong styrofoam at mga sako ng plastic sa southbound ng Mel Lopez Blvd. na sakop naman ng Brgy. 107.

Paglabag sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ang isasampa sa mga suspek sa Manila City Prosecutor’s Office.

Ang operasyon kontra pagtatapon ng basura sa Mel Lopez Blvd. ay sa gitna ng mga reklamo na mistulang malawak na basurahan na ang nasabing lansangan na daanan ng mga motorista mula Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela (CAMANAVA) area patungong southern part ng Maynila.

Facebook Comments