Thursday, January 15, 2026

APAT ARESTADO SA MAGKAKAHIWALAY NA OPERASYON KONTRA KRIMINALIDAD SA LA UNION

Apat na indibidwal na may kinakaharap na magkakaibang kaso ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng La Union kahapon, Enero 14, 2026.

Bandang alas onse ng umaga, inaresto ng Caba Municipal Police Station, katuwang ang La Union Police Intelligence Unit, ang isang 32-anyos na lalaki sa Barangay Poblacion Norte, Caba, La Union sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong estafa. May inirekomendang piyansang ₱18,000.00 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Dakong alas dose ng tanghali, nadakip naman ng Bacnotan Municipal Police Station ang isang 43-anyos na babae sa Bacnotan, La Union dahil sa paglabag sa Article 381 ng Revised Penal Code other Deceits. May inirekomendang piyansang ₱2,000.00 para sa nasabing kaso.

Sa bayan naman ng Santol, bandang alas-kwatro ng hapon, inaresto ng pinagsamang pwersa ng 1st La Union Provincial Mobile Force Company at iba pang yunit ng pulisya ang isang 65-anyos na babae sa bisa ng warrant of arrest para sa mga kasong perjury, estafa through falsification of public document, at fraudulent claims sa ilalim ng Republic Act No. 6948.

Samantala, bandang alas-sais ng gabi, nadakip ng Santo Tomas Municipal Police Station, katuwang ang La Union Police Intelligence and Detective Management Unit, ang isang 31-anyos na lalaki sa Santo Tomas, La Union sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Republic Act No. 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, na may inirekomendang piyansang ₱210,000.00 para sa tatlong bilang ng kaso.

Ang lahat ng naaresto ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan ng pulisya para sa wastong dokumentasyon at disposisyon ng kani-kanilang mga kaso.

Facebook Comments