Inamin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Senado, na apat hanggang limang milyon na mga miyembro na pumanaw na ang nananatili pa rin sa kanilang database.
Sa pagdinig ng Senado patungkol sa cybersecurity, sinabi ni PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr., na napagalaman nila ang tungkol dito nang magsagawa ng paglilinis sa kanilang system matapos na ma-hack ng Medusa ransomware.
Ang nadiskubreng milyun-milyong mga miyembro na pumanaw na pero nasa database pa rin ang naging malaking hamon sa paglilinis na ginawa ng PhilHealth sa kanilang sistema.
Sinabi ni Ledesma, na humingi sila ng tulong sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa Philippines Statistics Authority (PSA) para maisaayos ito.
Tiniyak naman ni Ledesma, na “back in track” na ulit ang sistema ng PhilHealth at mahigpit na silang naka-monitor para hindi na maulit ang pangha-hack sa kanilang system.