Apat katao, patay sa ikinasang operasyon ng PNP sa Parañaque City

Apat ang naitalang patay matapos makipagbarilan sa isinagawang operasyon ng awtoridad sa Better Living Subdivision, Brgy. Don Bosco, Parañaque City.

Nabatid na nagkasa ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ng search warrant sa bahay ng mag-asawang sina Bensaudi Sali at Merhama Abdul Sawari na pawang mga Financial Conduit ng terrorist group na Daulah Islamiyah makaraang makatanggap ng impormasyon na may itinatago silang mga armas.

Pero nagpaputok ang mga ito ng baril kaya’t napilitang gumanti ang mga awtoridad na ikinasawi ng mag-asawa.


Nasawi rin sa operasyon ang dalawang pang kasama ng mag-asawang suspek na nakilalang sina Rasmin Hussin at Jamal Kalliming na pawang mga security guard kung saan hindi pa matukoy kung may koneksyon din sila sa teroristang grupo.

Narekober sa bahay ng mag-asawa ang tatlong kalibre .45 na baril, isang .38 na revolver, isang M16 rifle, mga bala, dalawang granada, mga sangkap at gamit sa pagpapasabog.

Kasama rin narekober ng mga pulis ang dalawang itim na bandila ng ISIS.

Ayon kay Parañaque City Police Chief Col. Robin Sarmiento, posibleng plano ng mga suspek na magsagawa ng terrorist activity sa lungsod.

Kasalukuyan naman nagpapagaling sa St. Luke’s Medical Center- Global City sa lungsod ng Taguig ang isang tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na tinamaan ng bala sa kaniyang hita dahil sa nangyaring engkwentro sa ikinasang operasyon.

Facebook Comments