Dalawang magkahiwalay na insidente ng banggaan ang naitala, sa mga bayan ng Bugallon at Burgos, Pangasinan, kung saan apat na motorista ang nagtamo ng sugat sa ulo at katawan.
Ang unang insidente ay sa Barangay Road, Brgy. Angarian, Bugallon, Pangasinan, kung saan sangkot ang isang dump truck driver at tricycle na minamaneho ng isang ginang sakay ang anim na taong gulang na anak nito.
Batay sa paunang imbestigasyon, bigla umanong pumasok sa kasalubong na linya ang tricycle na minamaneho ng babae, dahilan ng salpukan ng dalawang sasakyan.
Parehong nagtamo ng pinsala sa ulo at katawan ang mga sangkot, kabilang ang anim na taong gulang na anak ng babaeng drayber na agad namang dinala sa pagamutan.
Parehong napinsala ang mga sasakyan at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, sa Barangay Pogoruac, Burgos, Pangasinan, isa pang banggaan ang naganap.
Sangkot dito ang isang pick-up truck at isang motorsiklo na sakay ang dalawang katao.
Ayon sa imbestigasyon, pumasok sa linya ng kasalubong ang motorsiklo na dahilan ng pagkakabangga sa pick-up.
Hindi nasaktan ang mga sakay ng pick-up, ngunit kapwa nagtamo ng pinsala sa katawan ang drayber at angkas ng motorsiklo, na walang suot na helmet sa oras ng aksidente.
Agad silang dinala sa ospital para sa medikal na atensyon.
Patuloy ang paalala ng awtoridad sa pag-iingat ng mga motorista sa kalsada. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









