Monday, February 9, 2026

Apat na abandonadong parcel na naglalaman ng halos ₱12-M na halaga ng marijuana kush, nasabat sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City

Matagumpay na naharang ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) ang apat na parcel na naglalaman ng marijuana kush na nagkakahalaga ng ₱11,760,000.

Ang 7,840 gramo ng marijuana kush ay nakuha sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Domestic Road, Pasay City ng mga tauhan ng PNP-AVSEGROUP.

Base sa initial screening, ang mga parcel ay bahagi ng isang batch ng mga inabandunang inbound shipments.

Sa isinagawang cargo X-ray examination ng Bureau of Customs (BOC), nakitaan ang kargamento ng kahina-hinalang mga larawan kaya agad silang nakipag-ugnayan sa task group.

Sa pamamagitan ng K-9 narcotics detection team mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsagawa ng paneling, nagresulta ito ng positive alert.

Nang isagawa ang manual inspection ay tumambad sa mga operatiba ang mga ilegal na substance na itinago sa mga kendi, damit, comforter, cereals, snack packs, at maninipis na container.

Ang nasabat na kontrabando ay ipinasakamay na sa PDEA para sa disposition, laboratory analysis, at case documentation, at ililipat ito sa PDEA National Office sa Quezon City.

Facebook Comments