Nasawi ang apat na hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) habang arestado ang isa pa sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police (PNP) Special Action Force (SAF) sa Barangay Balobo, Lamitan City, Basilan kahapon.
Sa ulat ni SAF Director PBGen. Felipe Natividad kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, kinilala ang mga nasawing terrorista na sina Baradi at Remie Ganie, Mando Morales at isang Jack Akalul habang naaresto naman si Dawam Morales.
Isisilbi lang sana ng mga pulis ang arrest warrant laban sa mga nasawing suspek para sa kasong kasong murder, kidnapping at carnapping nang makipagbarilan ang mga ito sa mga pulis.
Pinaniniwalaang mga tauhan ni ASG sub-leader Radzmil Jannatul ang lahat ng mga inisyuhan ng arrest warrant.
Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang KG9 Cal. 9mm submachine pistol, isang Cal. 45 pistol, shotgun; isang Cal. 30 at mga basyo ng bala mula sa iba’t ibang kalibre ng baril.