Apat na bagong EDCA sites sa bansa, natukoy at napagkasunduan na ng Pilipinas at Amerika

Natukoy at nagkasundo na ang mga opisyal ng bansa at Estados Unidos para sa bagong apat na Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sites sa bansa.

Ito ang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa ambush interview sa selebrasyon ng anibersaryo ng Philippine Army sa Fort Bonifacio kanina.

Ayon sa pangulo, magkakaroon sila kasama ang Amerika nang formal announcement para rito.


Sa pamamagitan ng EDCA, pinapayagan ng Pilipinas ang US na maka-access sa mga base militar ng Pilipinas para sa joint training at iba pang aktibidad na magpapaangat ng defensive capabilities ng Pilipinas.

Sinabi ng pangulo na isa sa apat ng EDCA sites na ito ay sa Palawan.

Samantala, ipinagliwanag naman ng pangulo sa mga Local Government Unit na tutol sa pagkakaroon ng EDCA sites ang kahalagahan nito sa kanilang lugar.

Naintindihan naman daw ito ng kanyang mga kinausap na local officials na una nang tumutol na gawing EDCA sites ang kanilang lugar.

Matatandaang nang nakaraang buwan ay una nang inaprobahan ng pangulo na maka-access ang mga sundalong Amerikano sa apat pang kampo ng militar bukod pa sa limang kampo nang nasa ilalim ng EDCA.

Sa susunod na buwan kasi ay nakatakda na ang pagsasagawa ng malaking military exercise sa bansa.

Facebook Comments