Ipinagmalaki ni Antipolo City Mayor Andrea “Andeng” Ynares na walang naitatalang positibo ng COVID-19 sa apat na mga barangay sa Antipolo City.
Ayon kay Mayor Ynares, nagpapasalamat siya dahil zero case ang Barangay San Juan, Calawis, Beverly Hills at Muntindilaw.
Pero umakyat naman sa 35 ang nagpositibo sa Barangay Mayamot, sinundan ito ng Barangay Dela Paz na 19 ang naitalang positibo, sumunod ang Sta. Cruz at San Jose na parehong 12 ang nagpositibo, habang ang Barangay Isidro at Mambugan ay siyam ang positibo, kapwa walo ang nagpositibo sa Barangay Cupang at San Roque, habang sa San Luis at Bagong Nayon ay kapwa pito ang nagpositibo habang apat lamang ang nagpositibo sa Barangay Inarawan.
Paliwanag ng alkalde, malaki ang naitutulong sa mahigpit na pagpapatupad ng social distancing sa kanilang lugar kaya walang naitalang positibo sa apat na barangay.
Posible ring anyang bumaba ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng social distancing.
Sa kasalukuyan, 141 na ang nagpositibo sa COVID-19, 24 ang nasawi at 54 na ang nakarekober.