
Pormal nang nagsampa ng reklamo sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang mga biktima ng umano’y robbery-extortion ng anim na pulis-Maynila sa Makati.
Ang mga suspek na pulis ay binubuo ng isang sarhento at limang patrolman.
Sa isang pulong-balitaan, humarap ang apat na biktima ng mga suspek na pulis upang ikuwento ang kanilang masamang karanasan, gaya ng pananakit, panunutok ng baril, at iba pa.
Ninakawan din umano sila ng mga suspek na pulis.
Ipinakita rin ang kuha ng CCTV bilang ebidensya ng umano’y panghoholdap.
Panawagan ng mga complainant na huwag nang makalaya ang mga suspek na pulis upang wala nang iba pang mabiktima.
Nahaharap sa reklamong administratibo ang anim na pulis na posibleng humantong sa tuluyang pagtanggal sa kanila sa serbisyo.
Tiniyak naman ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan na tututukan nila ang mga reklamo laban sa mga pulis at mananagot ang mga ito kapag napatunayan ang mga alegasyon laban sa kanila.
Apela ni Calinisan sa iba pang biktima ng mga pulis na lumantad na rin at magsampa ng reklamo laban sa mga inirereklamong pulis.










